Pagod na Puso

Pagod na ang puso ko. Dahan-dahan kong ibinaba ang telepono. Magaan ang damdamin, pero mabigat ang puso. Gumaan, kasi, sa wakas nakayanan ko na ring tumiwalag sa isang nakakapagod na relasyon. Mabigat sa puso, kasi, kahit papaano, matagal-tagal na rin naman ang aming pinagsamahan at nasanay na akong nariyan lang siya sa aking tabi. Pero, kailangan kong isipin ang kapakanan ko at ng aking pamilya.

Mabigat ang mga paa ni Irene habang binabaybay ang masukal na daan patungong bukid. Mabilis ang tibok ng puso. Nanlalamig ang buong katawan pero naliligo sa pawis. Pawang huni lamang ng mga kulisap ang maririnig at paminsan-minsan ang drama sa transistor na nanggagaling sa mga malalayong kubo. Malayo na siya mga kabahayan, halos tatlumpong minuto na siyang naglalakad patungo sa kubong nais niyang maabot.

Tatlong araw nang hindi umuuwi ang kanilang ama. Walang iniwang mensahe, walang paalam. Nabulabog na ang buong pamilya dahil sa pagkawala. Alas singko na ng hapon ng araw na iyon nang nagkaroon ng malinaw na katibayan kung saan nga naroon ang kanyang Ama. Kahit kumakagat na ang dilim, hindi ininda ni Irene ang hadlang. Nais na niyang malaman at siguraduhing tama ang kanyang hinalang matagal na niyang kinikimkim.

Maliit lang ang kubo. Halatang isang lampara lamang ang nakasindi. Habang papalapit, naririnig ni Irene ang impit na tawa ng babae. Lalong bumilis ang tibok ng kanyang puso. Parang ayaw niyang paniwalaan ang kanyang naririnig. Hindi niya lubusang mapaniwalaan na boses ng isang babaeng hindi niya kapamilya ang pumupuno sa kubong dating boses ng kanilang masayang pamilya ang naririnig. Binuksan niya ang pinto, pabalang, sabay sigaw, “Itay!!! Lumabas kayo!” Sa mura niyang edad, hindi siya makapaniwalang magagawa niyang sigawan ang ama na may halong pagbabanta. “Lumabas kayo!!!”

Hindi makapaniwala si Irene sa nakita. Ang tawang kanyang narinig ay boses ng kanilang kapitbahay na si Maria, matandang dalaga na dating kaklase ng kanyang ama at matalik na kaibigan ng kanyang ina. Totoo pala ang mga tsismis na kumakalat: na nakikita silang nasa lungsod nanonood ng sine, magkahawak-kamay na naglalakad sa tabing-dagat o minsan magkasama papuntang bukid.

Hindi na niya nakayanan ang bumulagtang katotohanan. Wala na siyang kailangan pang sabihin, ito lang ang katibayan na kailangan niyang makita. Ganyan pala ang buhay. Masakit pala harapin ang katotohanan. At wala ni isang salita, tinalikuran niya ang ama at tumakbo pauwi.

Nanginginig pa ang mga kamay habang dina-dial ang numero ng inang nagtatrabaho sa Gitnang Silangan. Ayaw man niyang maging tagapagdala ng masamang balita, pero kailangan dahil kahit siya ay gusto na rin niyang mabigyan ng kasagutan ang napakaraming tanong ng kanyang ina.

Kalmado ang boses ng ina sa kabilang linya habang kinikuwento niya ang lahat-lahat na matagal na dapat niyang nasabi sa ina. Pagkatapos niyang nasalaysay ang mga pangyayari, naghari ang katahimikang hindi niya namalayan kung gaano katagal pero hawak-hawak pa rin niya ang cellphone.

Ngunit nabasag ang katahimikan nang nakita niyang pumasok ang ama at biglang inagaw sa kanya ang telepono.

Matagal, mahaba, mahinahon ang ginawang pagpaliwanag ng kanyang ama. Sa walang tigil niyang pagsasalita, naiintindihan niyang katihimikan lamang ang tugon ng kanyang ina.

Ang kuwento ng anak kong si Irene ang pinakahihintay kong marinig para makawala sa isang relasyong matagal nang sinira ng kataksilan pero pilit hinahangad na ang mga pangyayari ay pawang panaginip lamang. Masakit, masaklap. Kaydaming nasirang magandang alaala... kaydaming nasayang na pagsasamahan...

Pero tama na. Pagod na ang puso ko. Napapagod din pala ang puso. Tama pala ang kasabihang, "Kapag may pait at pasakit, iyan ay hindi tunay na pag-ibig."

Inside Joko Jun

Joko Jun features Filipinos from around the world... musicians, writers, photographers, and other creative people.