OFW 1

Lumalamig na naman ang ihip ng hangin sa disyerto. Taglamig na naman...

Parang kelan lang, halos matutusta na ang balat ko pagnadampian ng sikat ng araw kahit alas siyete pa lang ng umaga. Parang kelan lang, halos di ko masuot ang paborito kong manipis na tsinelas na binili ko pa sa Baclaran nung huli kong uwi sa Pinas. Parang kelan lang, halos tumulo na ang luha ko sa tuwing nakikita ko ang mga construction workers na parang mga sardinas na nagsisiksikan sa napakakitid na anino ng nag-iisang puno sa gitna ng construction site. Parang kelan lang, halos araw-araw may balitang ang mga taong tumutulong sa pagpapatayo ng mga nagtataasang gusali ay isa-isang napipigtas sa mga scaffoldings na pinapatungan nila habang ginagawa ang palapag na halos malapit na sa langit.

Sa tindi ng init sa disyerto, ang sikat ng araw na nais kong malasap sa aking pagising sa umaga pag ako sa Pinas, ay kinamumuhian ko sa tuwing pagsapit ng tag-araw dito sa gitnang silangan. Sa halos umaapoy na semento ng sidewalk, ang mga aspaltong kalyeng gustong kong lakarin na nakapaa pag ako’y nasa La Castellana, ay nalalakaran ko lang dito pag ang suwelas ng sapatos ko ay isang dangkal. Paano kasi, kapag medyo manipis lang ang saplot ng aking paa ay ramdam ko agad na parang sinisilaban ng baga ang aking talampakan.

Sa pinaghalong init ng araw at kakulangan sa mga punong-kahoy, namulat ako sa halaga ng lamig na naidulot ng lilim ng isang puno. Sa nakaka-dehydrate na hanging dala ng maalinsangang panahon na naging dahilan ng pagkahilo at paghimatay ng mga daan-daang construction workers, tila tuloy parang natuwa ako sa trabaho kong buong araw na palipat-lipat sa mga kwarto at magpapalit ng mga linen ng mga bisita. Kahit papaano, at least naman airconditioned ang quarters ko. Kahit pa na laging alanganing oras ako mas lalong kailangan. Tila nakakapagod, nakakabagot pero kung iisipin ko ang kalagayan ng mga construction workers, parang napakaswerte ko.

Pero... talaga nga bang mas maswerte ako?

Sino bang makapagsasabi na ang isang nurse na kagaya ko ay magtatrabaho dito sa Gitnang Silangan bilang isang Residence Supervisor. Ang ganda pakinggan no? Bisor... bisor ng mga kwarto kung saan pinapatulog ng mga negosyante kong amo ang kanilang mga bisitang imbestor at mga negosyante ring katulad nila. Minsan, kalalapat pa lang ng likod ko sa kama, tutunog na naman ang intercom, "Hello... dito na bisita ni Sir." Haay... di pa nga naunat ang spinal column ko, kailangan ko na namang tumayo. Buti lang nurse ako, kaya dati pa’y nakondisyon ko na ang sarili ko na gigising sa mga alanganing oras ng gabi. Parang nurse din ang trabaho ko kasi mas lalo akong busy pag holidays; 24-7 pa! Pero mabuti na nga rin at wala ako masyadong free time, at least, wala akong panahon na isipin ang aking asawa at tatlong anak na naiwan ko sa Pinas. Kung tutuusin, naawa ako sa mga anak ko na nagdadalaga pero walang gabay ng isang ina. Nangungulila rin ako sa bunso kong anak na nang mamulat at nagkaisip ay walang ideya kung ano ang ibig sabihin ng nanay, maliban sa babaeng nakakausap nya sa telepono tuwing pagsapit ng Byernes. Haay... pero mas maswerte na ako kesa mga construction workers, na pagsapit ng hapon ay uuwi sa mala-selda nilang Workers' Camp at buong gabi mag-iisip sa mga naiwan nilang minamahal habang ang katawan ay parang sinisilaban ng apoy at ang damit ay basang-basa na nang pawis.

Pero... talaga nga bang mas maswerte ako?

Inside Joko Jun

Joko Jun features Filipinos from around the world... musicians, writers, photographers, and other creative people.