Caregiver

Talaga nga bang maswerte ako?

Naranasan ko na naman ang panandaliang saya, nang nagkayayaan kami ng mga kaibigan kong manood ng sine. Yan lang ang libangan naming mga OFW, ang maghintay ng bagong pelikula na Tagalog. Mabuti nga, medyo madalas na ngayon ang mga Tagalog na palabas. Kamakailan lang, si Aga Muhlach at si Anne Curtis... maganda pero hindi ako maka-relate, sobrang pangmayaman ang tema ng storya.

Noong Sabado, maganda, si Sharon Cuneta. Ang daming mga eksena na hawig na hawig sa buhay ko, buhay naming mga OFW.

Umpisa pa lang, umiiyak na ako. Ang babaw talaga ng luha ko, konting dramatic lang na dialogue nangingilid na ang luha ko. Napakagandang kwento. Muling nabuksan ang mata ko sa katotohanan, na ang mga lalaki talaga sa bansa natin ay halos pare-pareho. Syempre hindi naman lahat gaya ng mga asawa namin. Ang asawa kasi ni Sharon sa pelikula, isang nurse na nagtiyagang magtrabaho bilang utility sa ospital kasi may pagkamatayog din ang ihi tapos sa banding huli di na nakayanan ang katotohanan na mas mabilis umangat ang career ng asawa. Tapos ang kaibigan ni Sharon na si Rica Peralejo, doktor sa Pinas ang asawa, tapos nag-nurse sa London na sa bandang huli naman nasisante dahil sa insubordination daw. Hanggang sa pareho nang lampa at tuluyan nang di nakabangon sa kinalulugmukan. Hay naku, mga lalaki nga naman. Pag umasta, akala mo kung sinong maangas, konting dapo lang ng kabiguan sumusuko na.

Pinay at Pinoy

Dito sa bansang aking kinaroroonan, maraming Pinay dito na nagtatrabaho. Mas marami kaysa Pinoy. Kaya, obserbasyon ng mga ibang lahi sa mga Pinay, mas malakas ang loob at mas maaasahan kesa sa mga lalaki. Paano, karamihan kasi na mga babaeng Pilipino rito may mga asawa pero iniwan ang pamilya para sa mas malaking kita. Kung nandito man ang asawa, ang lalaki walang trabaho makikita mo hinahatid ang babae sa Bus Stop tuwing umaga, naka-shorts lang at tsinelas. Halatang pagkatapos maghatid ay hihilata na naman pagbalik sa bahay.

Hilata... alam ko ang sama ng ginamit kong salita, pero karamihan ng mga asawa ganyan, umaasa na lang sa aming mga babae. Habang kami’y nagkakandaugaga sa kakatrabaho para umasenso ang buhay, para ma-promote at para mapaganda ang kinabukasan ng mga anak, hayun sila nakahilata sa bahay, ni hindi man lang makagawa ng trabahong bahay. Ang masaklap pa, marinig mo na lang, nambabae pa. Paano, may dolyar na panggastos sa mga babae nila.

Kung sila naman ang mangibang bansa, wala pa ring magawang mabuti. May kaibigan ako, mabait, palasimba, mabuting tao, pero bumigay rin. Nag-asawa uli rito, kahit na may asawa na’t mga anak sa Pinas. Ang rason, di nya raw nakayanan ang pangungulila at kalungkutan.

Ganyan yata talaga ang mga lalaki sa atin, gaya ng mga asawa sa pelikulang pinanood ko, mga mahihina ang loob, mabilis sumuko, walang sariling panindigan, at kung meron man, bibigay rin pag nasuong sa matinding pagsubok.

Asawa Ko

Marahil sasabihin mo, napakabitter ko. Siguro nga bitter ako. Paano kasi, ang asawa ko ganyan na ganyan. Nakahilata lang parati sa bahay. Masaklap pa, narinig kong nambabae. Ayaw ko ng gulo at away, kaya hindi ko na kinompronta. Sabagay, tsismis lang naman yun. At kahit pa totoo yun, ayaw ko lang marinig ang isasagot nya. Na kesyo, malayo ako, di nya kaya ang mag-isa. Libangan lang yun, pampapawi lang ng kalungkutan. Huwag na kasi ako umalis para may makasama sya.

Ay sus! Sabi nga ng kanta. Para naman kaya nyang bigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak ko kung doon lang ako sa bansa natin.

Maswerte pa rin ako. Kahit papaano, di naman umabot ang asawa ko sa puntong ibabahay nya ang babae nya o di kaya tuluyan nang iwanan ang mga anak ko para sumama sa babae nya. Ang iba kong mga kaibigan dito mas masakit ang mga kwento. Ganyan na ganyan. Kesyo raw, di na kayang iwan ng lalaki ang babae kasi mas natutugunan ng babae nya ang kanyang mga pangangailangan, mas masaya raw sya sa piling ng babae nya.

Mas maswerte pa rin ako. Kahit papaano, pag umuwi ako, bawat minuto kasama ko ang asawa ko, di gaya ng mga kaibigan ko, na bigla na lang mawawala saglit ang asawa tapos bigla na lang susulpot uli. Yun pala binisita ang kabila. Kesyo raw, di pinalagpas ang pagkakataon na may ibang babaeng nahumaling sa kanila. Yung babaeng tipong-tipo nya ang katawan, gustong-gusto nya ang kagandahan, type na type nya sa kama. Sayang naman daw palagpasin ang pagkakataon, baka balang araw pagsisihan nyang di nya pinatulan, mababagabag pa ang kanyang damdamin, mabubulabog pa ang kanyang kaisipan, dahil SAYANG ang pinalagpas na oportyunidad. Sana naman, naintindihan nila ang ibig sabihin ng oportyunidad at i-aapply nila sa career, mas may silbi sila kung ganun ang pag-iisip nila pagdating sa trabaho.

Sa mga rason na nabanggit ko, di na nakapagtataka na ang pambababae sa ating kultura ay normal at tanggap ng mayoriya. Ang one night stand ay balewala kasi raw panandalian lang yun, at ang asawa pa naman daw ang inuuwian at minamahal. Hindi ko talaga maintindihan ang mga ganitong pangangatwiran.

Pero sabi nga ng mga kaibigan ko, maswerte ako. Ang masasabi ko naman, maswerte nga ba talaga ako?

Inside Joko Jun

Joko Jun features Filipinos from around the world... musicians, writers, photographers, and other creative people.