Bakit Walang Katuturan ang Pagtatalo?

Hindi pa naman huli ang lahat. Baka bukas maaari ko nang kausapin si Teresa. Subalit may agam-agam pa rin sa aking isip kung dapat ko nga ba siyang kausapin pagkatapos ng nangyari. Pilit na nagsusumiksik sa aking utak na wala sa akin ang pagkakasala. Pinagdusahan ko na ang minsang pagkalimot. Bakit ako ang lalapit?

Ngunit upang maliwanagan ang lahat ay ako ang kusang magpapakumbaba. Gusto kong malaman mismo sa kanya ang katotohanang may mahal na siyang iba. Kahit papaano ay nais ko pa rin siyang bigyan ng pagkakataon upang makapagpaliwanag. Tulad noong ako'y bigyan rin niya ng pagkakataon upang ipagtanggol ang aking sarili noong ako'y nasuong sa isang alanganing sitwasyon kung saan labis ko siyang nasaktan.

At ngayon, bakit tila nabaliktad ang pangyayari? Isa bang karma para sa akin ang minsang pagtataksil na hindi ko kagustuhan? Mahal na mahal ko si Teresa. Siya ang kabuuan ng babaeng pinapangarap kong maging kabiyak at maging ina ng aking mga anak. Siya na kung saan umiikot ang aking mundo at katauhan. Subalit nagawa ko siyang saktan dahil lamang sa aking karupukan. Naging makasarili ako dahil ginawa kong dahilan ang pagiging isang lalaki upang pagbigyan ang idinidikta ng init ng aking katawan. Oo nga't ako'y isang lalaki, nahalina ako sa isang babaeng alindog lamang ang taglay at hindi ko naisip ang damdamin ni Teresa.

Hinding-hindi ko makakayang mawalay si Teresa sa akin kung kaya't ginawa ko ang ang lahat upang makuha muli ang tiwala niya. Pinagsisishan ko na ang minsang pagtataksil sa kanya.

Pinatawad niya ako. Ngunit ngayon ay nangangamba akong maganap ang aking kinatatakutan. Bakit siya naman ang nangaliwa? Gumaganti lamang ba siya upang ako ay pasakitan?

Wala akong pinangarap kundi ang makasama siya habang-buhay. Lahat ng pinagpapaguran kong ipundar ay iniaalay ko sa kanya dahil gusto ko maalwan ang buhay niya kapag kami ay kasal na. Subalit isa na lamang bang pag-aaksaya ng pagod ang lahat? Kasabay ba ng pagpapatawad niya'y hindi na siya magiging akin? Si Teresa ngayon ay nagmamahal na ng iba!

Bukas, oo, bukas. Sana ay magkaunawaaan kami ni Teresa. Kusang loob kong tatanggapin anuman ang rason ng kanyang pag-iibang damdamin. Hangga't maaari ay ayoko siyang bigyan ng alalahanin. Ganoon ko siya kamahal.

At alam ng Diyos kung gaano ko siya itinatangi sa aking puso, abot hanggang langit.

"Renato, nandito ka lang pala. Kanina pa kita hinahanap. Mabuti naman at nakarating ka na rito ng mas maaga kaysa sa inaasahan."

Napapitlag ako sa pamilyar na tinig. Sa isang iglap ay nagbago ang aking paligid, wala na ako sa loob ng aking silid. At sa isang pitik lamang ng daliri ay napunta ako sa sa isang paraisong lugar na ngayon ko lamang narating. Ang tangi kong kasama doon ay ang aking ama--ang aking amang labis kong iniyakan nang ito'y pumanaw noong ako ay musmos pa. Nananaginip ba ako?

Ikinurap-kurap ko ang aking mga mata upang tiyaking panaginip lamang ang lahat. Subalit nanatili ang imahe ng aking amang nakangiti sa akin habang iniuumang ang mga kamay nito para sa isang yakap. Bantulot ma'y sinalubong ko siya ng puno ng pananabik. Kaytagal kong pinangarap na muling madama ang pagmamahal ng aking ama. At kung panaginip lamang ang lahat, nais kong samantalahin ang pagkakataong makapiling muli ito.

"Naiintindihan ko ang damdamin mo, anak. Sa ngayon ay kailangan mong harapin ang katotohanang hindi ka na kabilang sa mundo ng mga nabubuhay. Magpalaya ka at tanggapin mong hindi mo na mahahawakan pa ang mga taong malapit sa iyong puso. Sa ganoong paraan ka lamang makakaalis sa kalituhan."

Labis akong naguluhan. Hindi ako maaaring mawala sa mundo ni Teresa. Wala akong ninais kundi ang makasama siya habang-buhay. At kailangan ko siyang makausap, na hangga't maaari ay hindi kami magkakahiwalay. Tatanggapin ko ang kanyang kataksilan.

Mabilis akong tumakbo paalis sa lugar na iyon, upang takasan ang unti-unting pagbaon ng hinala sa aking isip. Subalit nahiwa ang lupa at ako'y nilamon ng kadiliman patungo sa walang katiyakan. Ako'y nahuhulog sa isang mundong hindi ko alam kung saan ako babagsak.

Ngunit tila isang mahikang nagliwanag ang aking paligid. At naroon si Teresa! Sabik ko siyang niyakap subalit sa aking panggigilalas ay hindi ko madama ang kanyang katawan.

Ilang beses akong sumubok subalit napagod lamang ako sa pagtatangkang siya'y aking mahawakan. Pilit lamang ba niya akong iniignora? Gusto ko siyang mayakap. Gusto kong sabihin sa kanya kung gaano ko siya kamahal bago mahuli ang lahat. Pinarurusahan ba niya ako?

Kasabay ng aking panlulumo ay ang pagpasok ng realidad sa aking utak. Nagliwanag ang lahat nang napagtanto ko kung saan kami naroon. Hindi! Nasa harap ng isang puntod si Teresa--sa isang puntod kung saan sa lapida ay nakasulat ang aking pangalan. Hindi lamang panaginip ang lahat...

Gusto kong sumigaw sa pait na hatid ng katotohanan. At nais ko mang manlumo, pero napangiti pa rin ako.

Dahil nag-uumigting ang katotohanang hindi kailanman nagtaksil si Teresa sa akin.

Inside Joko Jun

Joko Jun features Filipinos from around the world... musicians, writers, photographers, and other creative people.